Friday, January 21, 2011

Ang Ikasampung Langgam

Nabuburat ako sa mga pulang langgam.

Dati naman hindi. Nakagat nga ako dati ng 6 na pulang langgam nang sabay-sabay, pero hindi naman ako nangati ng ganito.

Pesteng kati, hindi ko gusto ang langgam pero sya ang nakaka-alalang lumapit. Titirisin ko lang din naman sya pagkatapos. Nasaktan pa sya (actually, na-deads dapat yung panghalip dito). Nangati naman ako (actually, dapat nairita naman ang nandito). Pero kahit na, isang kamot lang, patay, tapos agad ang kwento. Gantihang umaatikabo.

=======

Sa totoo lang, sana ang langgam ay pag-ibig na lang din. Astheg! Hinanap ko sa bawat sulok ng orasan* ang panahong mabuburat ako sa pag-ibig nang sa gayon, lalapirutin ko na lamang sya ng wagas pagkatapos ay OK na ulit ako.

=======

Sinubukan kong magmahal ng siguro 9 na beses na. Ilang beses na rin akong ngumiti ng may rason dahil may jowa ako at dahil nakakakilig naman talagang isipin na sa dami ng lalaking papayagan kong mahalin ako, may isang naitangi ko at hinayaan kong manggulo sa aking ayos naman na pag-iisa. Pero ayoko na rin ngayon nung pakiramdam na yun**. Pero para akong nagkakamot ng kati sa balat 'pag may bago akong nagugustuhan. Kaya kadalasan, idadampa ko na lamang sya papalayo. Hindi sya natiris. Hindi ako nairita.

=======

Ngunit matigas ang aking ulo at binungkal ko ang bahay ng langgam mapatay ko lamang silang lahat. Inabangan ko ang umagang lumabas sya sa lungga, niligawan ko ang kanyang bawat hakbang upang mabuyo ko syang lumapit... at muling manakit. 

Manhid na ang katawan ko. Nabuburat ako sa pag-ibig ngunit hinihila ako nitong pabalik. Ang relasyon namin ng Pag-ibig ay isang gunita ng pinaghalong gusto ko at ayaw ko; pinagsabong na gusto ko pa at ayaw ko na. Mahirap bitawan. Pero gusto ko nang bitawan.

=======

Yung ikasampung langgam ay natagpuan ko na. Ayokong syang lumapit, pero gusto kong magpakagat.

=======

"Ilang beses ko mang itanggi, maging ako ay mahihirapang maniwala na bukas ay hindi na kita maiisip pa. Mahal kita. Mahal kita. Pero sa isip ko lamang. Ibubulong ko sa hangin at nawa'y makarating sa'yo: Ang sinasabi ko man ay hindi ko sadyang ginagawa; kung ginawa ko na sa isip ko, wala rin 'yong pinagkaiba." 


*children, may square pong orasan
**nakakatakot mag-isa, lalo na pag nasanay ka na

No comments:

Post a Comment